^

PSN Opinyon

‘Tatlong bugoy’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

NAGSISIMULA SA KASIYAHAN, tumatawid sa asaran at pagda­ting sa dulo hindi magandang katapusan.

“Limang bata ang naiwan ng kapatid ko. Napakaliliit pa nila may sanggol pa. Wala namang atraso sa kanila ang kapatid ko bakit kailangan pagtulungan ng magkakapatid?” pahayag ni Genelita.

May mga testigo at ebidensya raw sina Genelita Tercero taga Bulacan sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Rading Tercero.

Kwento ni Genelita ika-11 ng Hunyo 2016 bandang alas otso ng gabi nang maghakot sila ng kanyang mga gamit dahil lilipat na siya sa bago nilang bahay.

Binigyan lang kasi sila ng palugit hanggang ika-30 ng Hunyo 2016 doon. Nang matapos na sila, nag-inuman ang mga tauhan ni Genelita sa construction at dumating na rin ang kapatid niyang si Rading kasama ang panganay nitong anak.

“Naglabas ako ng pagkain dahil matatapos na rin naman sila sa pag-inom. Kailangan ko na ring umalis dahil gabi na,” ayon kay Genelita.

Iniwan niya ang kanyang mga trabahador at kapatid na kumakain kasama ng ilan niya pang kaibigan. Tinawagan niya pa daw ang mga ito para sabihing magpahinga na.

Pagkalipas ng mahigit kalahating oras tumawag raw sa kanya ang ina ng kanyang kaibigan sa dati niyang tinitirhan.

“Umuwi ka at may kaaway ang kapatid mong si Rading,” balita nito sa kanya.

Inutusan niya itong tumawag ng barangay at tulungan ang kanyang kapatid dahil malayo ang bago niyang tinitirhan sa lugar.

Ilang minuto lang ang nakalipas tumawag ulit sa kanya ang ina ng kaibigang si Kikay.

“Bilisan mo! Wala na ang kapatid mong si Rading!”  pahayag nito.

Biglang natuliro si Genelita. Pakiramdam niya lumutang siyang bigla sa ulap at hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Nang mahimasmasan siya sa pagkabigla dali-dali siyang bumiyahe pabalik sa dati niyang tinitirhan.

“Kung saan ko siya iniwang buhay dun ko rin siya natagpuang patay. Napakaliit lang ng kapatid ko. Balita ko pinagtulungan siya dun,” salaysay ni Genelita.

Isa raw sa magkakapatid na nagngangalang ‘Bong’ ang unang nakaalitan ni Rading. Matapos ang away nila umalis ito at pagbalik ay kasama na ang halos buong pamilya nito.

Tatlong magkakapatid daw ang halinhinang sumuntok, sumipa at humampas ng tubo kay Rading.

Sinaksak daw ito gamit ang balisong na may dalawang dangkal at kalahati ang ginamit sa bandang tagiliran ng katawan nito.

“Masyado namang karumal-dumal ang ginawa nila. Ang masama pa pinanood lang ng tiyahin nila at ibang kamag-anak ang ginawa sa kapatid ko,” salaysay ni Genelita.

Sa liit ng kanyang kapatid bakit kailangan pang pagtulungan at patayin. Wala itong kalaban-laban. Tubong Leyte ang pamilya ng suspek. May mga nakasaksi raw sa nangyaring pagpatay.

Inasikaso nila ang pagpapalibing kay Rading. Nakipag-usap daw sa kanila ang tiyahin ng suspek at sinabing makikipag-areglo ang mga ito.

“Tumakas na sila. Ang sabi magbibigay daw sila ng 30,000 hanggang 100,000 at huwag muna kaming magsampa ng demanda laban sa kanila,” wika ni Genelita.

Nangako pa raw itong tutulungan sila dahil naaawa ang mga ito sa limang anak ni Rading. Pitong araw pa lang ang sanggol, isang dalawang taon, apat na taong gulang na lumpo pa rin, pitong taong gulang at sampung taong gulang.

Pansamantalang hindi nagdemanda sina Genelita dahil payo sa kanila ng pulis na nakausap na pagkatapos na lamang ng libing nila asikasuhin ang kaso.

“Inabot ng dalawang linggong nakaburol ang kapatid ko dahil na rin sa kakapusan namin sa panggastos. Nang mailibing na siya pati tiyahin ng mga pumatay nagtago na,” kwento ni Genelita.

Hindi nahuli ang tatlong pumatay sa kanyang kapatid ngunit may mga testigo at ebidensya naman daw silang pinanghahawakan laban sa mga ito.

Ayon din kay Genelita may CCTV na magpapakita kung ano ang nangyari nung gabing yun.

“Inimbestigahan naman ito ng pulis at kay SOCO rin na dumating. Hindi pa nga lang kami nakakakuha ng kopya ng report nila,” pahayag ni Genelita.

Wala naman daw naging atraso o kasalanan si Rading sa pamil­ya ng suspek kaya’t hindi nila matanggap ang kinahantungan ng pagkamatay nito.

Nakasaad naman sa ‘death certificate’ ni Rading na ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay ‘Multiple Stab Wounds’ sa pagsusuri ni PCI Editha Martinez, Medico Legal Offier.

Tanong ni Genelita ano ang maaari nilang gawin para mapagbayaran ng mga suspek ang pagkamatay ng kanyang kapatid.

“Paano ngayon mabubuhay ang limang anak ng kapatid ko? Hindi kakayanin mag-isa ng asawa niyang itaguyod sila. Napakabata pa nila para mawalan ng ama,” ayon kay Genelita.

Maaari pa ba raw silang magsampa ng kaso kahit wala na ang mga suspek? Balita nila umuwi na daw ito ng probinsya upang dun magtago.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pwede niyang gamitin ang CCTV bilang ‘documentary evidence’ at ang mga testigo ay ‘testimonial evidence’ sapat yan para maipakuklong itong tatlong bugoy na ‘to. Dapat mahuli ang tatlong bugoy na nagtulung-tulong para patayin itong si Rading.

Kapag nagsampa na ng kaso sina Genelita at hindi dumalo ang mga akusado siguradong papanig sa kanila ang resolusyon dahil magiging ‘uncontroverted’ o tanging panig lamang nina Genelita ang nadinig ng tagausig.

Maglalabas naman ang Judge ng ‘warrant of arrest’ laban sa mga ito para mahuli at makulong.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with