Duterte, ang micro manager

KAPAG sinabing micro-manager, ang ibig sabihin ay isang taong mataas na ang tungkulin pero pinakiki­alaman ang kaliit-liitang operasyon ng institusyong pinamamahalaan.

Kahit ako at ang ibang nakakaunawa ay tututol sa gan­yang siste. Si president-elect Rodrigo Duterte ay binabatikos sa usaping iyan. Ang Presidente nga naman ng bansa ay kailangang nagtutuung pansin lamang sa mga bagay na mas mataas kaysa pagpapatugtog ng karaoke sa dis-oras ng gabi, pagbabawal sa yosi at alak at pagbibigay ng saktong sukli ng mga driver sa mga commuters.

Ang tinututukan ng Pangulo ay ang macro-eco­nomy ng bansa, foreign relations, diplomasya at iba pang ma­tatayog na isyu. May gabinete siya para umasikaso sa mga maliliit na detalye ng mga programang dapat ipa­tupad.

Pero sa tingin ko, iyan mismo ang ugali ni Duterte na naglapit sa kanya sa ordinaryong mamamayan. Sa unang­ pagkakataon, nakatagpo ang common-tao ng isang pinuno na kasing-ordinaryo nila. A leader who they can identify with. Nasanay si Duterte sa pamamahala ng isang maliit na lungsod gaya ng Davao. Bilang alkalde, puwede mong panghimasukan ang kaliit-liitang isyu sa iyong nasasakupang lugar.

Tingin ko, matututo rin ng proper decorum si Duterte dahil hindi puwede sa isang Pangulo ng bansa ang gusto­ niya na umastang ordinaryong tao. Kung hindi siya komportable sa  napapalibutan ng security, masanay na siya dahil sa sandaling may mangyari sa kanyang masama, hindi lang siya ang mapeperhu­wisyo kundi ang buong bansa.

Kung hindi siya sanay magsuot ng barong-tagalog at Amerikana, sanayin na niya ang kanyang sarili dahil bilang Presidente, makikisalamuha siya sa kanyang kapwa world leaders at may mga protocol na dapat sundin sa pananamit at ikinikilos. Pati lengguahe niya ay dapat maging pino dahil siya na ang kumakatawan sa buong sambayanan.

Show comments