‘Alyansa, talunang-bakod sa pulitika’

LIMANG araw bago ang eleksyon, lalong umiinit ang senaryo sa pulitika. Ito na ang pinakamainit na parte ng national past time.       

Ang tatlong presidentiable na dati’y nagsasaltikan sa bawat isa ngayon mukha yatang nagsasanib-pwersa na. Bumuo ng alyansa para hilahin pababa ‘yung alkaldeng nangunguna sa kanila.   

Sa mga nasa ibaba naman, marami na ang mga nagtatalunang-bakod at bumibitiw sa kanilang partido para umanib sa kabila.    

Andyan din ang sangkaterbang mga sawsaw, angkas, sakay (S.A.S) sa isyu na kahit walang alam sa usapin, nagsasalita may masabi lang at hindi mawala sa balita.   

Subalit si Sen. Antonio Trillanes kapal ng mukha. Parang asong ulol na naglalaway habang pagala-gala. Kahol nang kahol. Ayaw tumigil sa pagkalkal ng basura.     

Wala siyang pakialam kung lehitimo ang kanyang mga dokumento o kung saan niya nakuha ang mga inaakusa kay Mayor Rudy Duterte.

Basta ang pakay niya, gibain ang alkalde para magdulot ng kawalang katiyakan at pagdududa sa isipan ng tao.     

Ginagamit niya ang isyung moral sa kanyang mga palabra. Sa halip na idiretso sa korte at idaan sa prosesong legal ang kanyang mga akusasyon, inuuna niya pang ilabas sa korte ng publiko o court of public opinion.    

Lumalabas tuloy ang inaakusahan, wala pa mang nangyayaring pandinig sa korte nagkasala na sa mata ng taumbayan. Kung sa ingles pa, sa halip na ‘innocent until proven guilty’ ikinunsidera nang ‘guilty until proven innocent.’     

Nasa inaakusahan ang burden of proof o siya ngayon ang magpapatunay na wala siyang kinalaman sa kung anu­mang ipinupukol na panggigiba at paninira sa kaniya.   

Hindi ako nangangalakal ng kalituhan o ginagamit ang espasyong ito para mamulitika o mag-impluwensya kung sino ang iboboto ng tao sa Lunes. Hindi rin ako bayarang media, spin doctor o sangkot sa maruming “PR.”

Ito ay pag-aanalisa lamang sa mga kaganapan at totoong nangyayari sa maruming pulitika sa bansa.  

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang episode mag-log on sa BITAG YouTube Official channel sa youtube.com/user/bitagvideos.

Show comments