‘Sino ang sinapian?’

SA MGA INSIDENTE ng mga sinasapian, may kababalaghan at meron din kalokohan!

“Sinaniban daw ako ni Satanas. Sabi ni Mang Rigor kapatid niya raw si Satanas at dun na kami naglaban,” sabi ng isang dalagita.

Pinahiga sa nitso sa sementeryo suot ang krus. Pinainom ng isang basong tubig na may dinikdik na bawang. Ito raw ang ginawa sa kanilang mga anak.

Kwento ni Patricio “Pat” Cervantes-40 minsan lang daw siya manggamot ng nasasapian. Naawa lang siya sa mga bata. Naiihagis daw ng 13 taong gulang na si “Vicky”-13 (di tunay na pangalan) ang limang lalaki gayung payat ito. Nasapian daw ng masamang espiritu dahil naglaro ng ‘spirit of the glass’.

Mismong si Vicky daw ang nagpunta sa bahay niya. “Pinagdasal namin sila sa likuran ng paaralan. Maraming nag-uusyoso dun kaya di namin ito magawa ng maayos,” wika ni Pat.

Pagkaalis sa paaralan may nakapagsabi sa kanila na magpunta ng barangay hall upang magamot pa ng iba. Nakita ni Pat si Rigor, isang albularyo na nakasakay sa mobile. Ayon dito pinapatawag daw sila sa Barangay Hall.

Dinala sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong ang mga bata at ipinakuha sa mga magulang. Inireklamo siya ng ina ni Vicky na si Marites Belo at nagkaroon sila ng kasunduan na hindi niya na pakikialaman ang mga bata.

Hulyo 12, 2013 nang mag vigil sila sa bahay ni Rigor sa Namayan. Pagsapit ng alas singko ng hapon ng magpapahinga na siya sa kanyang apartment dumating ang grupo ng kabataan upang magpasalamat sa kanya.

Nang mag-alas sais ng gabi inaya niya ang mga ito na magdasal. Inihatid niya sa Namayan Park ang mga bata at inimbitahan daw sila sa Barangay.

May mga dumating pa raw na mga magulang na hindi nila kilala. Kinunan ng pahayag ang mga bata at ipinasok sila sa kulungan.

‘Serious Illegal Detention’ at Child Abuse, Cruelty or Exploitation (Violation of Section 10 (a) of RA 7610) ang isinampa laban sa kanila.

Ayon sa ibinigay na salaysay ni Vicky kay PO2 Mary Fe Agluba ng Women and Children Protection Desk ng Mandaluyong City Police Station, inire­reklamo niya sina Rodrigo Galang @Rigor at Pat @Lucas dahil di sila totoong manggagamot. Hunyo 27, 2013 nagkagulo sa classroom dahil may mga kaklase siyang nasapian. Nakita niya raw si Rigor na hawak ang kanyang tungkod.

“Habang nakatingin ako kay Mang Rigor nahihilo ako at nilapitan ako ng aking kaibigan hanggang sa nawalan ako ng malay,” ayon sa salaysay.

Nasa ‘principal’s office’ siya nang magising. Inihatid siya pauwi ng kaklase. Ilang sandali may kaklase siyang nagsabi na pinapatawag ni Mang Rigor ang lahat ng nasapian at pinapupunta sa simbahan.

Nung Hulyo 9, 2015 habang papunta sila sa bahay ng isang kaklase nakasalubong nila si Bartolome. Tinatawag daw sila ni Mang Rigor upang gamutin ulit dahil hindi pa umano nakasarado ang ‘lagusan’ ng masamang espiritu. Sumama sila kay Bartolome at nagpunta sa ‘prayer house’ sa bahay ni Lucas.

“Habang nakaupo kami sa labas ng bahay kinumusta niya ako at pinaakyat sa itaas ng bahay. Nakita ko na may mga babae na mukhang estudyante. Nagdasal sila at itinapat ni Mang Rigor ang tungkod niya sa kanang balikat ko habang nagdadasal,” ani Vicky.

Nakaramdam daw ng hilo si Vicky hanggang sa nawalan siya ng malay. Pagkagising niya nakahiga siya sa sahig at nakahawak ang mga babae sa kamay at paa dahil nagwawala raw siya. Pilit siyang pinainom ng tubig na may bawang.

“Ayaw ko pong inumin. Hinawakan nila ang magkabilang panga ko para mainom ito. Nang papunta kami sa bahay ng kaklase ko nakita namin si Ate Kim at kailangan daw naming magpasalamat kaya’t pinilit niya kaming magpunta sa bahay ni Lucas,” ayon kay Vicky.

Nadatnan daw nila si Rigor at ilang babae. Ayaw nila pumasok pero pinilit sila. Pagkapasok ay pinipigilan na silang lumabas ngunit nakatakas sila.

Matapos mahuli ang dalawa na-inquest sila kinahapunan. Pagkaraan inilipat na sila sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Setyembre 18, 2013 nang maganap ang arraignment. Naibaba sa Grave Coercion ang naisampang Serious Illegal Detention.

Ayon sa naging ‘Joint Order’ ni Presiding Judge Imelda Portes-Saulog noong Disyembre 17, 2013 sa kasong Grave Coercion at RA 7610, dahil sa pagsusumite ng ‘Affidavit of Desistance’ ni Carmencita Biluan, isa sa nagrereklamo at ito’y kanyang napanumpaan ay dismissed na ang kasong RA 7610 habang ang Grave Coercion ay patuloy pa ring didinigin.

Nagpiyansa si Pat para sa kanyang paglaya habang dinidinig ang kaso.

Pebrero 11, 2015 inamin ni Rigor ang kanyang kasalanan para sa mas mababang sentensya at ‘makapag-apply ng Probation’ (PLEA BARGAINING).

Itinampok namin si Pat sa “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn).

Upang maging mas malinaw ang kasong ito, tumawag kami sa Mayor’s Office ng Mandaluyong at nakausap namin si Mr. Jimmy Isidro. Nagulat kami sa bersyon na sinabi niya.

“Natatandaan ko yan dahil ako mismo nagpunta dyan para kausapin ang mga taong sangkot. Meron nagreklamo na dinala sa Women’s Desk dahil ang mga biktima ay dinadala sa loob ng apartment at sinasabing nasapian pero may umanong nagaganap na mga panghihipo at sekswal na molestasyon sa mga bata,” pahayag ni Mr. Isidro.

May mga nagsumbong daw at nakakita. Inaaya raw ng mga kaibigan para magpagamot dahil sinasapian umano ang mga bata at nagiging tambayan na ito. Kinumpirma rin ni Mr. Isidro na doon nagtatrabaho sa City Hall ang ina ni Vicky.

Kaya naibaba sa Grave Coercion ito dahil hindi umabot ang oras na nakasaad na elemento para bumagsak sa Serious Illegal Detention ang kaso.

Hindi dala lahat ni Pat lahat ng dokumento kaya’t kay Mr. Isidro lamang namin nalaman ang akusasyon sa kanya.

Tinanong namin siya sa kanyang pakay at bakit siya humihingi ng tulong sa amin? Sinabi niya na baka sa pamamagitan namin makausap at makumbinse ang magulang ng bata na maibaba ang demanda.

Diretsong sinabi namin sa kanya na hindi namin maaaring gawin iyon at ang dapat niyang gawin ay harapin ang reklamo sa kanya ng bata at magulang sa korte. Hindi naman kami papayag na magamit ang aming pangalan para umareglo lalo na siya ang akusado at ang biktima umano ay isang menor-de-edad.

Kung talagang wala kang kasalanan dito mas mabuting sa korte mo ito patunayan. Hindi kami para mamagitan sa inyo ng nagrereklamo sapagkat mismong si Mr. Isidro na rin ang nagsabi sa amin na talagang desidido ang ina na ika’y makasuhan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. O magtext sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments