Dalawang Bagong Taon

Heto na, heto na buwan ng Enero

babasahin natin bagong kalendaryo;

Unang araw pa lang Bagong Taon ito

magiging masaya ang maraming tao!

 

Masaya kung sila ay maraming pera

katulad ng taong mapagsamantala;

Pero kung titingnan na maraming dukha

itong Bagong Taon ay hindi masaya!

 

Itong Bagong Taon tiyak na darating

magiging masigla ang paligid natin;

Sa malls at lansangan adorno’y nagbitin

ang mga tahana’y nagliliwanag din!

 

May mga tahanang pagkai’y sagana

lalo na’t naroo’y mayamang pamilya;

Subali’t sa nayo’t tahanan ng dukha

mansanas at hamon di nila kilala!

 

Kaya Bagong Taon may dalwang larawan

sa ati’y babati sa loob ng bayan;

Tahanang masaya sa mga mayaman

at tahanang saklot ng karalitaan!

 

Tahanang malaki pawang nasa lunsod

ito’y itinayo ng mga balakyot;

Sa tahanang dukha nasa tabing ilog

sa bagyo at baha tao’y nalulunod!

 

Kaya tanong ngayon nitong sambayanan

kaylan magbabago itong kalagayan?

Bagong Taon kaya ay magbago naman

mayaman at dukha maging pantay lamang?

 

Ang tanong na ito’y matagal ng tanong

pero itong baya’y walang maitugon

Mayayamang tao’y  pawang nasa mansion

taong mahihirap ay pawid ang bubong!

Show comments