Gulo laban sa Tsino, pakana ng Beijing?

MAG-INGAT: Anumang silakbo ng karahasan laban sa mga Tsino ay maaring pakana mismo ng Beijing. Bihasa sa dahas ang mga komunista na naghahari sa China. Pabor sa kanila ang pakanang pagbomba sa airport o pagsunog sa mga negosyong pag-aari ng Tsino. Pag-aawayin nila tayo para manghina at madaling malupig. Naghihintay sila ng pagkakataon para paigtingin ang pang-aagaw ng mga bahura sa West Philippine Sea.

Natunton ng NBI ang pakana ng mga maka-Kanan na terorista na bombahin ang Manila International Airport. Pag-protesta umano nila ito sa “kalambutan” ni President Noynoy Aquino laban sa pananakop ng Beijing ng mga bahura natin. Kung hindi nasakote, binabalak din ng mga terorista na pasabugin ang mga pabrikang Tsino. Samantala, may mga utak-lamok na nananawagang saktan ang mga Chinese Filipinos.

Hinuli ang umano’y mastermind ng tangkang airport bombing. Isa itong kilalang sinto-sinto na, batay sa akda niyang libro, ay Islamist na galit sa America. Ang abogado niya ay loyalista ng ankang Marcos, na galit din sa America dahil in-exile sila sa Hawaii nu’ng 1986.

Ginagamit ng Beijing ang pagkakahuli sa mga tero-rista para hiyain ang Pilipinas. Inuutusan nila ang bansa na idetalye sa kanila ang planong pagbobomba. Pina­aalalahanan pa tayo na tungkulin natin sa ilalim ng inter­national law na ipagtanggol mula sa terorismo ang embahada ng Beijing. Hinuli na nga ng NBI ang mga salarin, Pilipinas pa ngayon ang tinutuligsa. Pero hindi malayong posibilidad na mga ahente mismo ng Beijing ang nag-organisa at nagpondo sa kanila.

Maging mapag-isip, mapagmasid. Iwaksi ang mga panawagan ng karahasan laban sa mga Tsino. Halos lahat tayo ay may kamag-anak at dugong Tsino. Kaya nga matalino at matapang tayo laban sa Beijing.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

 

Show comments