EDITORYAL - Bantayan, mga buwayang hoarders ng bigas

TIYAK na lalabas ang mga buwayang hoarders ng bigas ngayong may kalamidad na dulot ng bagyong Glenda. Walang konsensiya ang mga buwaya at ang tanging hangad nila ay kumita nang malaki kahit pa marami ang nabiktima ng bagyo. Wala silang awa sa kapwa. Bantayan ang mga buwayang ito.

Ngayon ipakita ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanilang tapang. Sila ang magbantay at hulihin ang mga buwayang hoarders ng bigas gaya ng ginawa nilang pag-raid sa mga bodega ng rice traders sa Bulacan kamkailan. Nadis­kubre na nire-repacked ang mga bigas na galing sa National Food Authority (NFA). Inilalagay sa mga sakong pang-commercial ang mga bigas ng NFA. Nakakumpiska ng 32,000 sako ng bigas sa bodega ng Purefeeds Corp. sa Bgy. Tikay. Ang nakakabaliktad-sikmura pang ginagawa ng mga tauhan ng Purefeeds, hinahaluan nila ng binilid ang mga sako. Ang binilid ay durog at maliliit na butil ng bigas na ipinampapatuka sa manok at pinakakain sa baboy.

Naaresto ang may-ari ng Purefeeds at sabi ni DILG sec. Mar Roxas, na kakanselahin ang lisensiya nito. Ayon kay Roxas, maaaring marami nang bigas na may halong binilid ang binibenta na sa mga palengke sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya. At sa kabila na may halong binilid, binibenta ito sa mataas na presyo na lubhang malayo sa presyong pang-NFA.

Marami pang bodega ng bigas ang sinalakay sa Bulacan, at napatunayang ang mga talaksan ng bigas na naroon ay galing sa NFA. Patuloy na niloloko ang taumbayan sapagkat pinaniniwalaang commercial rice ang kanilang binibenta. Hindi na nakapagtataka kung bakit may mabibiling mahal na bigas subalit mababa ang kalidad at maraming kasamang binilid.

Ipamalas ng DILG ang tapang. Kung nagawang hulihin ang mga buwitreng rice traders, hulihin din ang mga buwayang hoarders ng bigas. Huwag hayaang mapagsamantalahan ang mamamayan na sinalanta ng bagyong Glenda. Sa  lawak ng pinsala ng bagyo, tiyak na maraming buwaya ang lilipana para pagsamantalahan ang mga kawawa. Hindi dapat hayaan na makapambiktima ang mga buwaya. Tapusin ang kanilang kasibaan at kasamaan.

Show comments