EDITORYAL - ‘Dami pa palang Very Important Preso (VIP)

NANG mabuking noong Mayo 18, 2011 ang paglabas at pamamasyal ni dating Batangas governor Antonio Leviste sa kanyang building sa Makati habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, akala nang marami ay natuldukan na ang ganitong gawain. Akala nang marami, wala nang katulad ni Leviste na Very Important Preso (VIP) sa National Bilibid Prison (NBP). Lumaya na si Leviste noong nakaraang Disyembre 2013 dahil sa parole.

Subalit bukod pala kay Leviste, marami pa ring VIP sa NBP. Hindi pa pala nasusugpo ang kakaibang pagtrato sa mga maiimpluwensiya o mga high profile na bilanggo. Patuloy pa rin ang katiwalian sa pambansang bilangguan basta may ibabayad ang inmates. Lahat nang gusto ng maimpluwensiyang inmates ay makukuha niya. Pera lamang ang katapat sa mga corrupt na opis­yal at jailguards sa NBP.

Halimbawa rito ay ang pagpapagamot ng isang inmate sa pribadong ospital sa Maynila. Inilabas ng NBP ang umano’y drug lord at lider ng Sigue-Sigue Sputnik na si Ricardo Camata. May sakit umano sa baga si Camata kaya inilabas ng NBP at dinala sa ospital sa kabila na walang kaukulang papeles o permiso sa mga nakatataas. Ang matindi, habang naka-confine sa pribadong ospital, dinalaw siya ng tatlong babae. Isa sa mga babae ay starlet at ang dalawa pa ay mga dancer umano sa bar.

Bukod kay Camata, nakakalabas din sa NBP at dinala rin sa ospital ang convicted bank robber na si Herbert Colanco at ang drug lord na si Amin Buratong. Napabalita rin na maging ang convicted killer na si Rolito Go ay nakalalabas din at nagpapaospital. Agad namang sinibak ang NBP chief at 12 jailguards.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa NBP na nakalalabas ang mga “VIP”, darating ang araw na makakatakas ang mga ito. Tiyak na naghihintay lamang sila ng pagkakataon para pumuga. Kailangan ang top to bottom na pagpapalit ng mga opisyal at tauhan sa NBP. Walisin ang mga corrupt.

 

Show comments