Ang nanay ng kahirapan at kriminalidad

MATAGAL nang sinasabi ng World Bank na halos 30 percent ng taunang budget ng Republika ng Pilipinas ay nawawala dahil sa massive graft and corruption. Dahil sa kasalukuyan ang national budget ng bansa ay umabot na ng P2.6 trillion, ang mawawala rito ay P780 billion humigit-kumulang.

Matagal nang isinisiwalat ng World Bank ito ngunit ngayon pa lamang nagkakaroon ng linaw na may katotohanan ito dahil sa mga expose tungkol sa pork barrel scams kung saan dose-dosenang mga senador at halos 100 kongresista ay nasasangkot.

Hindi lamang mga mambabatas ang sangkot sa katiwalian ayon sa World Bank, kundi ang mga nasa Executive at Judicial branches din. Ang bilyun-bilyong pera na nawawala taun-taon ay perang makakalikha pa sana ng milyun-milyong patrabaho para sa ating mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpagawa ng mas mahahabang mga kalsada at mas maraming tulay, mga school buil-dings at iba pang mga infrastructure na mangangailangan ng milyung mga trabahante.

Kaya sa ngayon ay 13 million na ang ating mga jobless, 20 million ang under-employed at 10 million ay nagtratrabaho sa ibayong dagat na tinitiis ang kapaitan ng namumuhay na malayo sa mga mahal sa buhay. Ang iba naman na naririto sa Pilipinas na mga jobless ay walang magawa kundi kumapit sa patalim at napipilitang gumawa ng mga ilegal na bagay para sa ikabubuhay ng sarili at pamilya.

Samakatuwid, ang massive graft and corruption, ang pinakasanhi o nanay ng malawakang kahirapan at laganap na kriminalidad sa ating bansa. Kung kayo ay jobless o under-employed o napipilitang kumayod sa ibayong dagat o kumapit sa patalim, wala kayong ibang sisisihin kundi ang mga tiwaling opisyal sa ating lipunan. Si Jojo Binay kaya o Mar Roxas ba ang ating pag-asa? Sila ba ay hindi mga corrupt? Tiyak na gagasta sila ng bilyun-bilyon para mahalal na presidente sa 2016.  Papaano nila mababawi yun?

Show comments