Buwan ng pag-ibig

Ngayon ay Pebrero – buwan ng Pag-ibig

Kaya ang magkasi’y laging magkaniig;

Kung ang pagmamahal ay taos sa dibdib

Ang ligaya nila’y abot hanggang langit

 

Pebrero’y masaya sa magkasintahan

Lalo’t magkapiling sa gabi at araw;

Subalit sa puso kung may kataksilan

Sila’y dalwang pusong tungo’y kasawian!

 

Kung ang pagmamahal ay hindi matapat

Ang nagiging bunga’y malungkot na wakas;

Ang katulad nito’y pag-ibig ni Hudas

Pag-ibig kay Kristo’y natakpan ng pilak!

 

Sa daigdig ngayo’y maraming ganito

Hangarin sa buhay maging milyonaryo;

Ang mga dalaga ang hanap na nobyo –

Mayamang lalaki kahit barumbado!

 

Maraming lalaki palibhasa’y dukha

Ang gusto’y babaing makapal ang mukha;

Hindi baleng pangit madatong mapera

Pasyala’y casino – sa anak pabaya!

 

Pebrero ay dapat na maging masaya

Sa ngalang pag-ibig ay dapat dakila;

Walang magtataksil walang palamara

Banal ang damdaming magmahal sa kapwa!

 

Kung lahat ng tao’y tapat kung umibig

Itong ating mundo’y magandang daigdig;

Digmaan at gulo sa lahat ng panig

Hindi mangyayari – narito ang langit!

Show comments