Talagang paboritong ayudante ni Alcala (2) (Karugtong nang lumabas kahapon)

LABAG sa batas ang pagpapatalaga ni Agriculture Sec. Proceso Alcala sa alalay na Orlan Calayag bilang National Food Authority administrator. Napakaselang ahensiya ng NFA, tagatiyak ng food security, kaya dapat natural-born Filipino ang hepe. Nang mag-U.S. citizen si Calayag, isinuko niya ang mga karapatang Pilipino, pati citizenship status. Nang mag-dual American at Filipino citizen siya, hindi naibalik ang natural-born status. Takda ng Korte Suprema ang prinsipyong ‘yan.

Heto pa. Sa ilalim ng GOCC (Government-Owned and  Controlled Corporations) Reform Act, dapat may short-list ng tatlong kandidato sa bawat bakanteng board seat. Walang gan’un si Calayag. E kasi naman, July 9, 2013 lang -- anim na buwan matapos maluklok -- siya nagsumite ng sinumpaang Appointive Director Data Sheet ng Governance Commission for GOCCs.

Dapat din suriin ng Commission ang integridad, karanasan, pinag-aralan, pagsasanay, at kahusayan ni Calayag. Sa kanyang sinumpaang data sheet, dalawa lang ang work experience niya sa Pilipinas: legislative staff chief ni Alcala, July 2004-Aug. 2008; at operations director ng Progressive Community Ecological Service Organization, isang pansa-riling NGO ni Alcala, na may acronym na “PROCESO”.

Tapos, nag-America na si Calayag, at kung ano-anong minor clerical at sales jobs ang pinasukan. Isa rito ay bilang “relationship manager” ng munting Keybank, sa Sammamish, Washington, Sept. 2006-Apr. 2008. Aba teka, di ba’t nasa congressional staff pa siya noon ni Alcala? Ibig sabihin ba nito ay isa siyang “ghost employee” na pinasusuweldo ng Kongreso ng Pilipinas habang nasa America?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments