Bagong patakaran para sa bata?
NASA 63 na ang patay sa banggaan ng dalawang barko sa karagatan ng Cebu habang sinusulat ko ito. Pero marami pa ang nawawala at wala pang katiyakang balita kung ano na ang nangyari sa kanila. At ang malungkot, marami sa mga nawawala ay mga bata. Halos pare-pareho ang pagsalaysay ng mga nakaligtas sa trahedya, na nabitawan nila ang kanilang tangan-tangan na anak dahil sa lakas ng alon, pati na ang hirap ng paglangoy sa dagat na napuno rin ng krudo. Kung ang mga nakaligtas ay may suot na mga life vests, mga anak nila ay wala, kaya nang mabitawan, tuluyan nang nawala.
Habang dumadaan ang mga araw, mas lumiliit ang pag-asa na matatagpuan pa silang buhay. Pero para sa mga naghihintay, hindi pa sila nawawalan ng pag-asa, at kung sakaling nasawing-palad naman ang kanilang mga mahal sa buhay, gusto lang nila makita ang kanilang mga katawan.
Dahil sa kuwento ng mga nakaligtas, tila dapat pag-aralan at baguhin ang mga patakaran ng mga pampasaherong barko, partikular sa mga maliliit na bata. Sa pampasaherong eroplano, ibinibigay na sa magulang ang life vest na pambata, para kung sakaling kailanganin, hawak na ng magulang. Ganundin ba sa barko?
Kung nag-agawan ng life vest ang mga pasahero nang mabangga at lumulubog na ang barko, paano pa makakakuha para sa mga bata o mga sanggol? Dapat kaya suot na kapag nasa barko’t lumalayag na? Hindi ko maisip ang pinagdadaanang pagsisisi ng mga magulang na nawalan ng mga anak dahil nabitawan. Kung may suot na life vest ang bata, at nakatali na rin sa magulang, hindi mangyayari ang hindi sukat akalain.
Hirap naman ang mga technical divers sa kanilang pagsisid sa lumubog na MV St. Thomas Aquinas dahil sa sama ng panahon, malakas na agos ng tubig sa ilalim ng dagat, pati na rin ang krudo na galing sa barko. Hindi rin madali ang kanilang nararamdaman kapag may natatagpuang mga bangkay sa loob ng barko, lalo na kapag bata.
Pagod, kalungkutan ang kanilang nararamdaman, pero sige pa rin sila sa trabahong kailangang gawin. Hindi rin nakakatulong ang sama ng panahon. Ganyan ang trahedya. Sari-saring mga kwento ng kalungkutan at kabayanihan. Maasahan natin na ilang linggo ang lilipas bago natin lubusang malaman kung ano ang nangyari sa karagatan ng Cebu.
- Latest















