Legal battle sa RH bill

GANAP nang batas ang RA 10354 na lalung kilala sa Reproductive Health Law na mahigpit na tinututulan lalu na ng sector ng simbahang Katoliko.

Pero mukhang hindi pa tapos ang laban. Inireklamo ng mga anti-RH law sa Mataas na Hukuman ang batas na ito para pigilan ang implementasyon.

Ang tanong ngayon, kakampihan kaya ng Korte Suprema ang mga tumututol sa naturang batas? Ito ay bagay na pakakaabangan ng marami. Ang sabi ng Malacañang  iginagalang nito ang pagsasampa ng reklamo pero nakahanda itong ipaglaban ang constitutionality ng bagong batas.

At sakaling ibasura ng  Korte ang petisyon ng mga tumututol sa batas, magkakaroon na kaya ng katahimikan hinggil sa isyung ito? At kung magtagumpay ang mga anti-RH na mapigilan ang batas, tatanggapin kaya ito ng Malacañang?

Mga hypothetical  questions lang naman ito para bigyang diin na ang Mataas na Korte ang siya final arbiter sa lahat ng usapin sa ating lipunan. Sana naman, ano man ang magiging paninindigan nito’y igalang ng mga kinauukulan.

Hindi mainam na magkaroon ng pangmatagalang    legal battle sa usaping ito dahil mababalam ang mga mas mahahalagang usapin sa bansa dahil sa kontrobersyang lilikhain ito.

Ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman na kilalang pro-RH, wala sa panahon ang inihaing reklamo ng mga tumututol sa batas dahil sa Enero 17 pa ito magkakabisa.

“Paano mo pipigilin ang implementasyon ng batas na hindi pa nagka-kabisa?” tanong ni Lagman. Teknikalidad na lang iyan.

Sa ganang akin, ang paghaharap ng petition for TRO ay isang democratic exercise na dapat igalang. Nakikita rito na buhay na buhay ang galaw ng demokrasya sa ating bansa.

Show comments