3 ‘flying voters’ kinasuhan

MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Manila Police District (MPD) ang paghahain nila ng kaso laban sa tatlong indibidwal kaugnay ng pagiging ‘ flying voters’  nitong nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Hindi na kinilala ng MPD ang tatlong suspek na hindi umano residente ng Maynila.

Sa ulat, naaresto ang tatlo dakong alas-11 ng umaga nitong nakalipas na halalan nitong Lunes sa isang polling precinct sa Raja Solaiman High School sa Urbiztondo, Binondo.

Nahuling nagsisinungaling ang mga suspek ng mga miyembro ng “board of election inspectors” nang maling detalye ang ipasok nila sa registration.

Nakuha sa posesyon nila ang isang cellular phone kung saan nakatala ang pangalan ng apat na mga kandidato sa pagka-barangay kagawad kapalit ng P500.

Sinampahan na ang tatlo ng kasong paglabag sa Article 22 Section 261 ng Omnibus Election Code sa Prosecutor’s Office ng Maynila.

Show comments