Yearbook photo, ‘di kailangan sa airport – BI

Ito ang ginawang paglilinaw ng Bureau of Immigration (BI) kasabay nang paghingi ng paumanhin sa isang Pinay na naiwan ng sasakyang eroplano matapos ang umano’y kung anu-ano pagtatanong ng immigration officer.
Bureau of Immigration Facebook page

MANILA, Philippines — Hindi umano kailangang dalhin ang yearbook photo para patunayan ang educational attainment kung magbibiyahe sa abroad.

Ito ang ginawang paglilinaw ng Bureau of Immigration (BI) kasabay nang paghingi ng paumanhin sa isang Pinay na naiwan ng sasakyang eroplano matapos ang umano’y kung anu-ano pagtatanong ng immigration officer.

Nag-viral ang kaniyang TikTok ma­karaang ma-offload siya sa kaniyang eroplano dahil sa hindi magandang sinapit sa immigration officer kaya naiwanan ng kaniyang biyahe.

Sa viral post ni Cham Tanteras, isang freelance writer, patungo siya ng Israel at maagang nagpunta sa Ninoy Aquinto International Airport Terminal 1 noong Disyembre 2022.

Pero pagdating niya sa immigration counter, sinabihan siya ng immigration officer na magtungo sa isang opisina.

Dito umano siya tinanong kung graduate na at nang sabihin niya na ‘oo’ ay hini­ngan siya ng yearbook.

Nang walang maipakita, hiningan siya ng graduation photo na masuwerteng may naka-save sa kanilang mobile phone ngunit naka-wacky pose.

Kung anu-ano pa umano ang pinagtatanong sa kaniya at pinahawakan pa siya ng isang set ng questionnaire.

Dahil dito, naiwan siya ng kaniyang biyahe at nasayang ang P19,000 halaga ng tiket niya.

Nakabiyahe pa rin naman siya ng ibang araw ngunit kinailangan pa niyang magbayad ng P27,000 sa panibagong tiket.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kanila nang pinaimbestigahan ang naturang immigration officer at pinagsusumite ng report.

Napayagan naman umano na makabiyahe si Tanteras makaraang punan ang Border Control Questionnaire at sumailalim sa ikalawang inspeksyon ngunit hindi niya binanggit ang pagka-offload ng pasahero.

“We apologize for the inconvenience this may have caused the Filipina passenger and other Filipino passengers,” ayon kay Tansingco.

Sa naturang pahayag, binanggit ng BI na noong 2022, nasa 32,404 Filipino ang hindi pinayagang maka­biyahe at 472 sa kanila ay nadiskubreng mga biktima ng human trafficking o illegal recruitment. “The issue of human trafficking and illegal recruitment is real and is happening every day,” ayon pa sa BI.

Show comments