2 brgy. chairman, 20 kagawad sa Maynila, minamatyagan sa ilegal na droga

MANILA, Philippines — May dalawang barangay chairman at tinatayang 20 pang kagawad sa lungsod ng Maynila ang isinasailalim sa monitoring ngayon ng Manila Police District (MPD) dahil sa hinalang pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

Bagama’t tumanggi na kilalanin, sinabi ni MPD Director PBGen Andre Dizon na kasama sa drug watchlist ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang naturang mga barangay officials.

Bahagi umano ito ng kampanya ngayon ng pamahalaan at ng pulisya na tuluyang walisin ang ilegal na droga sa lipunan partikular ang mga may katungkulan na posibleng direktang sangkot sa operasyon o kaya naman ay nagsisilbing mga protektor ng mga sindikato.

Matatandaan na una nang hinamon ng he­neral ang mga kakandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre na sumailalim muna sa drug test para mapatunayan ang pagiging malinis nila sa ilegal na droga.

Maaalala rin na gumawa noon ang MPD ng “narco-list” ng mga barangay officials na hinihinalang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga bago ang halalan sa barangay noong Mayo 2018.

Show comments