Pagkumpiska ng lisensiya sa Makati City, tigil muna

Ito’y dahil na rin sa na­ging kasunduan o moratorium ng Metro Manila Council at Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) na hindi pagkumpiska sa mga nagkasalang motorista sa batas ng trapiko hanggat hindi pa naipatutupad ang single ticketing system.
STAR / Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Hindi na mangungum­piska ng driver’s license ang mga tauhan ng Public Safety Department (PSD) o ang dating Makati Public Safety Department sa mga motoristang may paglabag sa batas trapiko.

Ito’y dahil na rin sa na­ging kasunduan o moratorium ng Metro Manila Council at Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) na hindi pagkumpiska sa mga nagkasalang motorista sa batas ng trapiko hanggat hindi pa naipatutupad ang single ticketing system.

Kabilang si Makati City Mayor Abby Binay sa 17 alkalde ng Metro Manila sa sumuporta sa nasabing kasunduan.

Ayon sa memo ng City of Government of Makati, epektibo noong Disyembre 13, 2022, sinumang motorista na makagagawa ng traffic offense, ang traffic enforcer ay maglalabas ng Ordinance Violation Receipt (OVR) nang hindi kinukumpiska ang driver’s license ng lumabag.

Dahil hindi na pinapayagan ang mga traffic enforcer ng nasabing lungsod sa pagkumpiska ng lisensya, ang tanging dapat ipag-alala ng mga motorista kapag sila ay nakagawa ng paglabag sa trapiko ay ang pagbabayad ng multa sa lalong madaling panahon.

Tandaan lamang na ang sinumang motorista na nabigyan ng OVR ay magkakaroon ng limang araw para magbayad ng kaukulang parusa. Ang hindi pagbabayad ng multa sa loob ng itinakdang oras at ang Lungsod ng Makati ay magsasampa ng pormal na reklamo sa nagkasalang tsuper para sa paglilitis sa korte.

Matatandaang ang Makati, bilang business capital ng bansa, ay kilala sa sarili nilang mahigpit na number coding system na hindi sumusunod sa window hours ng MMDA sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP).

Show comments