‘Hindi solusyon ang pagpatay’ - PNP chief

Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr.
PNP PRO-1

MANILA, Philippines — Naniniwala si Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na hindi solusyon ang pagpatay sa mga sangkot sa illegal drugs at sa halip tutugisin ang mga utak nito.

Ayon kay Azurin, kabilang sa mga solusyon ay pakikipag-ugnayan sa mga barangay chairman kung saan aalamin at tutukuyin ang mga personalidad na sangkot sa illegal drug activities, drug situation sa kani-kanilang lugar at mga kailangang intervention.

Aalamin din kung ano ang dahilan ng paglaganap ng droga sa kanilang nasasakupan.

Sa pamamagitan nito, sinabi ni Azurin na maraming buhay ang maililigtas subalit maipakukulong ang responsable sa bentahan at gumagawa ng ilegal na droga.

Sinabi ni Azurin na sa barangay level pa lamang dapat ay lutas na ang drug problem.

Paliwanag ni Azurin, bibigyan niya ng prayoridad ang Malaskit, Kaayusan Kapayapaan at Kaunlaran framework na hindi lamang  layong paigtingin ang peace and order kundi maging ang pag-unlad ng bawat lugar.

Hindi naikakaila na naging isyu ang war on drugs ni dating Pangulong Duterte kung saan libong drug personalities ang namatay.

Show comments