Mister binoga patay

MANILA, Philippines — Nakauwi pa ng bahay bago bumulagta ang isang 28-anyos na lalaki nang  pagbabarilin ng isa sa tatlong hindi pa nakikilalang salarin  Linggo ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Sa loob na ng Tondo Medical Center nalagutan ng buhay ang biktimang nakilalang si Angelo Genese, residente ng Barangay 163 sa Tondo.  Nagtamo siya ng ilang tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:45 ng mada­ling araw nang maganap ang krimen sa may Daang Bakal sa Brgy. 163 Tondo.  Nakaupo malapit sa basketball court sa lugar ang biktima nang sumulpot ang tatlong suspek at lumapit ang isa sa kanila.

Naglabas ng baril ang gunman at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima. Agad na tumakas ang tatlo na kinikilala pa ngayon ng pulisya.

Nagawa pa namang makauwi ng bahay ni Ge­nese at kinatok pa ang pinto ng kaniyang bahay.  Nang pagbuksan ng misis ay nagsalita pa na tulungan siya saka nawalan ng malay.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaslang habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments