Amerikanong pedopilya, timbog ng BI

MANILA, Philippines — Hindi na pinayagang maghasik pa ng krimen ang isang American national nang arestuhin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kinakaharap niyang kasong ‘child molestation’.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na si Bradley John Moore, 49-anyos. Naaresto siya ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa may Dapitan City sa Zamboanga del Norte.

Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, na wanted si Moore sa district court sa McKinney, Texas dahil sa kinakaharap na kasong ‘sexual assault’ sa isang bata at tatlong bilang ng ‘indecency’ at nagkaroon ng ‘sexual contact’ sa isa pang menor-de-edad.

Isa ring ‘overstaying’ na dayuhan si Moore sa Pilipinas na dumating sa bansa noon pang Dis­yembre 6, 2020 at hindi na umalis. 

Kinansela na rin ng pamahalaan ng Estados Unidos ang kaniyang pasaporte.
Inilarawan ni Morente si Moore na isang ‘undesirable alien’ at ang kaniyang pananatili sa bansa ay nagdadala ng panganib sa mga batang Pilipino.

Pansamantalang nakaditine si Moore sa Dapitan City police station at nakatakdang ilipat sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan hihintayin niya ang kaniyang deportasyon.

Show comments