Biyahe ng LRT-1, nagkaaberya

An LRT-1 train as it runs on the tracks.
The STAR / Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pansamantalang naantala ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) kahapon ng umaga matapos na magkaaberya ang isa sa mga tren nito sa area ng Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa  abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, dakong alas-7:17 ng umaga, nang  nagpatupad  ng 25 kilometer per hour (kph) na speed restriction mula Baclaran Station sa Parañaque City hanggang Balintawak, Quezon City matapos na tumirik ang isa sa mga tren nito. Kaagad naman umanong nagpadala ng mga technician ang LRMC upang ayusin ang naging problema ng naturang nagkaaberyang tren sa Tayuman Station sa Maynila.

Pagsapit naman ng alas-7:25 ng umaga, sinabi ng LRMC na nagpatupad na ang LRT-1 ng ‘stop for safety’ mula Baclaran hanggang Balintawak.

“A stop for safety has been put in place from Baclaran to Balintawak.  Technician is already on board working the fault of affected train located at Tayuman Station. Please allow additional travel time of about 15 minutes,” dagdag pa nito.

Kaagad rin namang naayos ang problema at pagsapit ng alas-7:34 ng umaga ay nagbalik na sa normal ang operasyon ng mga tren.

Show comments