Utos na balik-opisina ng BPO, bawiin muna

This undated photo shows a man following the work-from-home scheme.
Philstar.com/Era Christ R. Baylon

MANILA, Philippines — Dahil sa pagtuloy na pagtaas ng presyo ng fuel, hinimok ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero at tumatakbong senador ang pamahalaan na bawiin ang nauna nitong kautusan na magbalik-opisina na ang mga empleyado ng business process outsourcing (BPO) centers sa Abril 1.

“Noong una, COVID-19 ang kalaban natin at nandiyan pa rin naman ang banta ng virus pero ngayon tila mas malaking banta ang linggo-linggong pagtaas ng presyo ng petrolyo at ang nagbabadyang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin,” ani Escudero.

“Kung kaya rin lang naman nila magtrabaho at maging produktibo sa bahay, bakit pa natin pipiliting bumiyahe ang mga tao? Baka pwedeng huwag na muna tayo dumagdag sa gastusin kasi nagsisimula pa lang tayo bumangon, at ito na nga, may kinakaharap na naman tayong bagong problema. Pwede bang status quo muna habang nag-iisip tayo ng solusyon?” aniya.   

Nag-utos ang Fiscal Incentives Review Board, na pinamumunuan ni Finance Sec. Carlos Dominguez III, sa mga BPO company na nasa economic zones na mag-opisina na ang mga ito sa unang araw ng susunod na buwan dahil kung hindi ay maaaring mawala ang kanilang tax incentives na isang hakbang na mariing tinututulan ng mga manggagawa sa BPO at maging ng Philippine Economic Zone Authority.

 “Kailan lang ay iminungkahi nito ang pagkakaroon ng bago o mas mataas na buwis para may ipambayad ang gobyerno sa mga utang na hindi naman dapat mga mamamayan ang nagbabayad. Ngayon, ito na naman-gustong pabalikin ang mga BPO workers sa opisina kahit ang presyo ng gas ay halos isandaan na. Talaga bang napakahirap ilagay ang sarili nila sa lugar ng ordinaryong Pilipino? Can we not show a little compassion?” aniya.

Show comments