DILG: 8 lugar na lang sa NCR ang naka-granular lockdown

MANILA, Philippines — May walong lugar na lamang sa National Capital Region (NCR) ang kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng granular lockdown dahil sa COVID-19.

Ayon kay Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) Secretary Eduardo Año, nasa 26 na households at 70 indibidwal lamang ang apektado ng naturang granular lockdown.

Aniya, ang naturang walong lugar ay bahagi ng 77 lugar sa buong bansa na ini­lagay sa granular lockdown, na nakaapekto sa kabuuang 99 tahanan at 272 katao.

Mas mababa ito mula sa 399 na lugar na naita­lang naka-granular lockdown noong Nobyembre 13.

“Ibig sabihin nito ay epektibo ang ginagawa nating alert level system at patuloy na bumababa ang kaso ng ating COVID-19,” ayon pa kay Año, sa Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte na iniere nitong Martes.

Matatandaang una nang klinasipika ng Department of Health (DOH) ang bansa sa minimal risk sa COVID-19 habang ang Metro Manila ay nasa low risk classification na.

Show comments