Ginang na wanted sa bigong pagpaslang sa mister, arestado

Inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong ‘robbery with frustrated homicide’ ang suspek na si Meldy Galias, 44, isang massage therapist.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang ginang na itinuturong ‘utak’ sa bigong pagpatay sa kaniyang mister sa lalawigan ng Northern Samar.

Inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong ‘robbery with frustrated homicide’ ang suspek na si Meldy Galias, 44, isang massage therapist.

Nadakip si Galias ng mga tauhan ng MPD-Ermita Police Station 5 dakong alas-4:35 nitong Martes ng hapon sa may Rizal Park.

Hindi na siya nakapalag nang ihain sa kaniya ng mga pulis ang warrant of arrest mula kay Judge Alma Consuelo Esidera ng Catarman, Northern Samar Regional Trial Court Branch 20.

Nabatid na unang nakipag-ugnayan sa MPD ang San Vicente Municipal Police Station ukol sa ulat na naispatan sa siyudad ang suspek na si Galias na nagtatago sa batas.

Dito nagkasa ng operasyon hanggang sa matunton ang suspek at maipatupad ang pag-aresto.

Nabatid na si Galias ang itinuturong utak sa tangkang pagpatay sa kaniyang mister noong 2008.

Dalawang suspek ang unang nadakip ng pulisya sa Northern Samar at inginuso si Galias na siyang nag-utos at nagplano ng pagpatay.

Nakaligtas naman sa kamatayan ang mister ng suspek sa kabila ng tama ng bala sa katawan.

Show comments