3 lungsod sa NCR, pinuri ng DILG sa COVID-19 vaccination

Ang mga tauhan ng seguridad ay nagpapaalala sa mga tao na obserbahan ang mga protocol sa kalusugan para sa kanilang COVID-19 bakuna sa SM City San Lazaro sa Maynila noong Hunyo 22, 2021.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Pinuri ng Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) ang tatlong lungsod sa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga residente na nabakunahan laban sa COVID-19.

Sa report ni Interior Secretary Eduardo Año kay Pang. Rodrigo Duterte, nabatid na ang Quezon City ang may pinakamaraming naiturok na bakuna na umabot na sa 414,850.

Ito ang pinakamataas na naitala sa NCR.

Ang city government sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joy Belmonte ay nakapagtala ng highest single-day record na  37,234 doses kahapon.

Ayon kay Año, sumunod dito ang lungsod ng Maynila, na nakapagtala naman ng 326,101 at Caloocan na may 238,768.

Samantala, pinuri rin niya ang Parañaque City government na may 79,111 residente at manggagawa na nakakuha na ng second dose ng bakuna o fully vaccinated na.

“Ito po ang pagsusumikap nilang makapag-administer ng pinakamaraming first and se­cond dose ng COVID vaccines sa kanilang mga nasasakupan,” anang kalihim.

Samantala, sa mga lugar naman sa labas mg NCR, nanguna ang Baguio City na may 99,745 jabs nang nai-administered, sinundan ng Cebu City na may 55,214 at Cagayan de Oro City na may 43,462.

Aniya, sa ngayon ay mayroon na ring 32.27 milyong residente ang nagparehistro sa vaccination programs ng kani-kanilang local government units (LGUs).

Hinikayat din niya ang mga mamamayan na magpabakuna na upang maprotektahan laban sa COVID-19.

“Panawagan naman natin sa ating mga LGUs, hanapan po natin ng paraan at pag-isipan natin ang iba’t ibang istratehiya upang mas marami pa ang maengganyong magpabakuna,” aniya pa.

Show comments