18-anyos pababa bawal pa rin lumabas - MMDA

Nag-bonding ang mag-aama na kabilang sa maraming pamilya na nag-celebrate ng Father’s Day sa Marikina River Park kahapon.
The STAR/Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Metropolitan Development Authority (MMDA) na bawal pa rin ang mga kabataang may edad 18- anyos pababa na gumala sa mga lansangan sa kabila ng pinaluwag na restrictions sa National Capital Region (NCR).

Kasunod ito ng pag­dagsa ng pami-pamilya sa mga pook pasyalan para mag-celebrate ng Father’s Day kahapon kasama ang mga menor- de-edad na mga anak.

“Dapat po sumunod pa rin tayo sa mga protocols pagdating sa COVID [coronavirus disease]. Nandiyan pa po ang panganib ng COVID,” ani MMDA Traffic Discipline Office Chief, lawyer Cris Saruca.

Umiiral simula noong Hunyo 15, 2021 ang pinaik­ling curfew sa Metro Manila mula alas 12:00 ng mada­ling araw hanggang alas 4:00 ng madaling araw.

“Nagkaroon po ng Metro Manila Council [MMC] resolution 2021-010, sinasabi po roon na may standardized and unified curfew hours po sa NCR magmula 12 a.m. to 4 a.m.” aniya.

“Kasama naman po dito ‘yung mga ipinapatupad ng IATF [Inter-Agency Task Force] na ‘yung mga minors na below 18, dapat po stay at home unless talagang essential travel like medical reason. So ‘yun pa rin po ang ipinapatupad ng pamahalaang lokal,” giit ni Saruca. Anya, magulang ang mananagot sa mga mahuhuling menor-de-edad na pagala-gala sa labas ng bahay.

“Ang barangay po natin ang basic LGU [local government unit] at sila po ang people on the ground. Kaya mabigat po ang nagiging function ng ating barangay sa pagpapatupad ng mga patakarang ito,” aniya pa. 

Show comments