Drug ops: 2 dealer utas, P150 milyong shabu nasabat

Ang nasamsam na 22 kilo ng ilegal na droga sa dalawang nasawing drug suspects na nanlaban sa pulisya sa Brgy. Kalawaan sa Pasig City.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Dalawang drug suspects, na sinasabing big-time na distributor ng ilegal na droga, ang nasawi nang manlaban sa mga awtoridad sa isang buy-bust operation, na nagresulta rin sa pagkakasamsam sa may 22 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P150 milyon, sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Isa sa mga suspek ay na­kilala lang sa pangalang Arthur Abdul, alyas Abdul, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng isa pa.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:10 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa Axis Road, Brgy. Kalawaan, Pasig City.

Bago ang engkuwentro ay nakatanggap umano ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek.

Kaagad namang nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga ito ang mga tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP DEG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Eastern Police District (EPD), Pasig City Police, Bureau of Customs-CIIS, at iba pang law enforcement agencies.

Sa kasagsagan ng transaksiyon ay napuna ng mga suspek na mga pulis pala ang kanilang ka-deal kaya’t nanlaban ang mga ito, na nauwi sa engkuwentro at malaunan ay pagkamatay ng mga suspek.

Wala namang casualties na naitala sa panig ng mga pulis.

Napasugod din si PNP chief PGen Guillermo Eleazar sa pinangyarihan ng madugong buy-bust upang alamin ang detalye ng operasyon.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga suspek ay kilalang distributors ni Michael Lucas Abdul na inaresto sa buy- bust operation sa Dasmariñas City, Cavite noong Abril 26, 2021 lamang.

Kinukuha umano ng mga ito ang suplay ng ilegal na droga mula sa isang kilala sa alyas na Bating na bodegero ng isang Chinese. 

Ang dalawa ay kilala rin umanong siyang nagpapakalat ng ilegal na droga sa Region 3, National Capital Region (NCR), Region 4A at iba pang mga kalapit na lalawigan.

Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang may 22 kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P149,600,000 at nakasilid sa mga Chinese tea bags; isang grey na Nissan Sentra (XJG-404) at dalawang baril na kinabibilangan ng isang kalibre .45 pistola at isang kalibre .380 na pistola.

 

Show comments