Permit sa community pantries ‘di kailangan – Metro Manila mayors

Ang mga residente ay nakalinya upang makakuha ng libreng pagkain at suplay bilang maginhawa pantalon ng komunidad sa Quezon City muling binuksan sa Miyerkules, Abril 21, 2021.
STAR/ Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang ilang Metro Manila mayors sa pagkakaroon ng mga community pantries sa kani-kanilang nasasakupan pero iginiit na hindi kaila­ngan pang kumuha ng permit para magtayo nito.

Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, mayroong 70 organizers ang nagtayo ng community pantry sa kani-kanilang mga lugar sa lungsod na inisyatibo ng ilang mga taga-QC na pagkalooban ng ayuda ang mga apektado ng pandemic.

Naengganyo raw ang mga ito sa Maginhawa community pantry na unang itinayo ni Ana Patricia Non.

Anya, hindi naman commercial establishment ang mga pantries kaya’t hindi na kailangan ang permit.

Sinabi rin ni Belmonte na hindi nakikisawsaw ang lokal na pamahalaan sa community initiatives.

Hiningi na lamang ni Belmonte na tupdin ang ipinaiiral na minimum safety protocols sa pupuntahan tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing para makaiwas sa infection ng COVID-19.

Nilinaw din kahapon ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi na kaila­ngang kumuha pa ng permit ng mga taong nais mag­tayo ng community pantry sa kanilang lungsod.

“Para sa mga nagtatanong, hindi kailangan ng permit. Wala po tayong ‘Permit to Help,’” ayon kay Sotto, sa kanyang social media account.

Sa pagtaya ng alkalde­, sa ngayon ay nasa mahigit 30 na ang mga community pantries sa lungsod.

Pinuri rin niya ang mga taong nasa likod ng mga ito na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Limitado lamang anya ang resources ng pamahalaan kaya’t anuman aniyang tulong na maaaring maipagkaloob sa kanilang kapwa ay taos-puso nilang tatanggapin at pasasalamatan.

Ganito rin ang naging pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno matapos pumutok ang balitang oobligahin ng DILG ang mga community pantry na kumuha ng permit.

“Maglatag na kayo kahit saang kanto o barangay sa Maynila. We won’t require permits. Good deeds need no permit,” paghihikayat ni Moreno sa kanyang mga kababayan.

Kalaunan ay binawi­ rin naman ito ni DILG Usec. Martin Diño at sina­bing kailangan na lang makipag-coordinate ang mga bubuo ng community pantry sa LGU at ‘di na dapat mag-apply ng permit.

Show comments