60 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog

MANILA, Philippines — Aabot sa may 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog na sumiklab sa Brgy. Tatalon, ­Quezon City kamakalawa ng hapon.

Dakong alas-3:18 ng hapon nang magsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng isang bahay na matatagpuan sa Cluster 5, Kaliraya St. sa Brgy. Tatalon, at pagma-may-ari ng isang Florinda Paiste.

Ayon kay Sr. Insp. Karl Aerole Rojales ng Bureau of Fire Protection (BFP)-QC, may naamoy na lamang umano ang mga residente na nasusunog na kable ng kuryente.

Nang patayin umano nila ang master switch ay bigla na lang may pumutok saka umapoy na ito.

Agad nagtakbuhan palabas ng bahay ang mga residente at hindi na nakapagsalba ng gamit.

Dahil malakas ang hangin, mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang may 30 tahanan na dikit-dikit at pawang gawa sa light materials.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire out dakong alas-4:11 ng hapon.

Ang mga nasunugan ay pansamantalang nanunuluyan sa Light House Baptist Church sa Brgy. Tatalon.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa may P450,000 ang halaga ang mga ari-ariang tinupok ng apoy sa sunog.

Wala namang iniulat na nasaktan o namatay sa sunog.

Show comments