Pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila, giit palawigin

Tuwang-tuwa na ipinakita ng isang benepisyaryo ng ayuda sa lungsod ng Las Piñas ang natanggap niyang P4K. Mayroong 500 sites ang pinagsasagawaan ng pamamahagi ng cash assistance sa lungsod.
Edd Gumban

2 linggo ‘di sapat, kaya nagsisiksikan

MANILA, Philippines — Dapat palawigin ang pamamahagi ng ayuda ng mga lokal na pamahalaan para matapos nang hindi malalabag ang health protocols, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos nitong Biyernes.

Sinabi ni Abalos na hindi sapat ang dalawang linggo para ­ipamahagi ang cash aid sa mga residente ng National Capital Region Plus kaya dapat na mapalawig upang hindi magkaroon ng kumpulan sa pagkuha nito.

Napipilitan aniya, ang mga alkalde ng pamahalaan na i-accomodate ang mas maraming benepisyaryo dahil sa palugit na dalawang linggo.

“Sa nakikita ko, dapat bigyan ng extension ito because otherwise ganyan ang nangyayari, nagkakakumpulan,” dagdag pa ni Abalos.

Hindi naman nagrekomenda si Abalos kung ilang araw o linggo ang dapat na ekstensyon at sinabing depende aniya, sa iuulat ng local go­vernment units (LGUs).

“We have to assess these cases in the LGU, compile them and submit them to DILG (Department of the Interior and Local Government),”aniya pa.

Nagsimula ang pag-arangkada ng pamimigay ng ayuda nitong linggo na halos inaabot ng magdamag sa payout centers dahil sa dagsa ng pila.

Show comments