13,378 stranded na commuters nabigyan ng free ride ng PNP sa NCR Plus bubble

MANILA, Philippines — Umaabot sa 13,378 stranded na mga commuters ang naserbisyuhan sa PNP Libreng Sakay program simula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) Plus bubble noong Marso 29.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas kung saan minobilisa ang mga heavy lift transport vehicles  na kinabibilangan ng dalawang bus, limang utility trucks at dalawang coaster .

Ang nasabing mga behikulo ay naghahalinhinan sa regular na roundtrips  mula sa itinalagang pickup at drop-off points.

Samantalang ang Libreng Sakay program ng PNP ay nagkakaloob din ng face mask, bottled water at mga materyales ng impormasyon para sa kaalaman ng mga pasahero kung paano mag-iingat at maiiwasang mahawa sa COVID-19.

“This is the PNP’s way of reaching out to citizens by providing mobility and other extended service to authorized persons (APOR) so that they could attend to their work with convenience even while the ECQ is in effect,”  ayon kay Sinas.

Inihayag pa ng PNP Chief na ang ‘Libreng Sakay’  ay suportado ng 1, 317 PNP mobile assets ng National Capital Region Police Office  na nakapagmobilisa ng 2,743 sorties at nakapagsakay ng 11,558 pasahero mula Marso 29 hanggang Abril 4, 2021.

Samantalang mahigpit ding inoobserbahan sa ‘PNP Libreng Sakay’ ang 50 % kapasidad sa loob ng mga behikulo alinsunod sa ipinatutupad na protocols  ng Department of Transportation(DOTr) sa mga pampublikong transpor­tasyon.

Show comments