‘Murder for insurance’ sa pagpatay sa Korean trader

MANILA, Philippines — Naniniwala si Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Debold Sinas na ‘murder for insurance’ ang pagkakapatay sa Korean businessman na si Nam Sunuk na natagpuang tadtad ng tama ng bala sa katawan sa Valenzuela City, kamakailan.

Ayon kay Sinas, inatasan niya si Valenzuela City Police chief, Col. Fernado Ortega na siyasating mabuti ang sinasabing email ni Nam, 55 sa isa sa mga suspek bago ito matagpuang patay noong Pebrero 15 sa loob ng isang Sports Utility Vehicle sa isang bakanteng lote sa Purok 4, Area 6, G. Marcelo St., sa Barangay Maysan ,Valenzuela City. Sinasabing pinatay ito Pebrero 13.

Sinabi ni Sinas na nagbigay na ng kanilang extra judicial confession ang mga suspek na sina Kimberly Radores at Rica Estrella kung saan sinabi ng mga ito na plinano mismo ni Nam ang kanyang sariling kamatayan upang makakuha ng insurance.

Lumitaw din na sangkot sa pagdukot at pagpatay ang pulis na si Corporal Darwin Castillo kaya nagpasya ang South Korean embassy na magsagawa ng kanilang imbestigasyon at koordinasyon sa pulisya.

Agad nagsagawa ng follow-up operations ang mga tauhan ni Ortega at nadakip ang mga suspek na sina Rusty Cruz, Josephine Nape, Leana Nagaño, Bryan Gulfo at Bryan Escamillas. Nasampahan na ng kasong murder ang mga suspek.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sina Gulfo at Escamillas ng Barangay Maysan ang bumaril kay Nam.

Bago nangyari ang insidente, nabatid na sinusundan ni Castillo ang sasakyan ni Nam hanggang sa marating ang lugar.

Show comments