Shootout: Parak, ‘tulak’ todas

Idineklarang dead-on-arrival sa Novaliches General Hospital ang biktimang si P/Corporal Dexter Rey Teves, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa paa si P/Corporal Rex Graham Abigan, kapwa nakatalaga sa Caloocan City Police Sub-Station 7.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis, habang sugatan ang kanyang kasamahan samantalang napaslang din ang target ng kanilang operasyon na ‘tulak’ ng droga matapos na mauwi sa shootout ang isinagawang ‘Oplan Sita’ sa tapat ng police sub-station sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Idineklarang dead-on-arrival sa  Novaliches General Hospital ang biktimang si P/Corporal Dexter Rey Teves, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa paa si P/Corporal Rex Graham Abigan, kapwa nakatalaga sa Caloocan City Police Sub-Station 7.

Base sa nakarating na report sa tanggapan ni Caloocan City Police Chief P/Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-2:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng Sub Station-7 sa Llano, Brgy. 167 ng lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga biktima sa tapat ng kanilang Sub-Station nang parahin nila ang riding in tandem na sina Clark Castillo, 20, ng Phase 7 Bagong Silang at Macoy Toreda.

Ang nasabing ‘Oplan Sita’ ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas upang tiyakin na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Mina, nakitaan umano ng ilegal na droga si Toreda bunsod upang magkaroon ng komosyon hanggang sa maglabas ng hindi natukoy na uri ng baril ang suspect at paputukan ang dalawang pulis.

Nang marinig naman ni P/Staff Sergeant Christopher Anos na nasa loob ng kanilang opisina ang mga putok ng baril sa labas ay agad itong rumesponde saka binunot ang kanyang service firearm at pinaputukan sa katawan si Toreda na nag­resulta sa agaran nitong kamatayan.

Samantalang matapos ang insidente, mabilis na isinugod sa naturang pagamutan ang mga biktima habang tumakas naman si Castillo subali’t nakorner ito ng mga bystander.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang naa­restong suspect na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Show comments