Malabon kinilala sa mahusay na pagharap sa COVID-19

MANILA, Philippines  — Ginawaran ng parangal ang lungsod ng Malabon bunga ng epektibong pagpigil nito sa pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Ibinigay ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ang katibayan ng pagkilala kay Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III kamakailan, sa gitna ng pangunguna nitong humarap sa kasalukuyang pandemya, habang tinitiyak na naibibigay ang kalidad na serbisyong pangkalusugan sa nasasakupang mga komunidad.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang DOH sa naturang pagkilala. Aniya, “kakaiba mang hamon sa kalusugan ang hatid ng COVID-19, mas dapat lang na lalo nating ibigay ang serbisyo na ating magagawa sa abot ng makakaya para sa kabutihan ng bawat Malabonian.”

Mahigpit na ipinatupad ng lungsod sa mga nakaraan ang estratehiyang “Prevent, Detect/Test, Trace, Quarantine/Isolate, Treat” upang labanan ang pagkalat ng COVID-19. Nakipagtambalan din ang Malabon sa Philippine National Red Cross, Bases Conversion and Development Authority at Philippine Coast Guard upang mapagana ang isang mega-swabbing facility sa sports center nito.

Apat na isolation centers ang naitalaga sa lungsod upang sapat na mapangalagaan ang mga Malabonian na nahawaan ng naturang sakit.

Samantala, naitala ng OCTA Research na pangatlo ang Malabon City sa may pinakamababang bilang ng nagkakahawaan ng COVID-19 sa buong rehiyon, sa datos nang September 20 hanggang October 3 at September 27 hanggang October 10.

Show comments