Sahod ng mga nurse sa Makati itinaas, may libre pang transpo, tirahan

Kamakailan, inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang karagdagang badyet na P55.17 milyon upang maipatupad ang pagtaas ng sahod ng entry-level position na Nurse 1 sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11, na sakop ang 56 na bagong nars na tinanggap ng lungsod simula noong Marso. Nagkabisa ito simula Hulyo 1, 2020.
STAR/ File

MAKATI, Philippines  — Ikinagalak  ni Makati Mayor Abby Binay ang pagtaas ng sahod ng mga nars na nararapat umano dahil sa matinding sakripisyo nila sa ginagampanang tungkulin sa gitna ng pandemya.

Kamakailan, inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang karagdagang badyet na P55.17 milyon upang maipatupad ang pagtaas ng sahod ng entry-level position na Nurse 1 sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11, na sakop ang 56 na bagong nars na tinanggap ng lungsod simula noong Marso. Nagkabisa ito simula Hulyo  1, 2020.

Ayon kay Mayor Abby, malaking bagay na ang nadagdag na P9,737 sa buwanang sahod ng mga Nurse 1, na itinaas sa P32,053 mula sa dating P22,316, upang mapabuti ang kalagayan nila lalo na ang mga tumatayong breadwinner ng pamilya.

Aniya, dapat lamang suklian ang kanilang mga pagsusumikap bilang frontliners sa patuloy na pakikibaka ng bayan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Umaasa rin ang alkalde na maeengganyo ng mas mataas na suweldo ang mga nars na bumalik sa kanilang propesyon at maglingkod sa mga kapwa Pilipino, sa halip na pumasok sa ibang trabaho o mangibang-bansa.

Simula noong Marso, nakapag-hire ang lungsod ng 38 bagong nars para sa Makati Health Department (MHD) at 18 para sa Ospital ng Makati (OsMak).

Bukod sa basic salary, tumatanggap din ang health workers ng Makati ng personnel economic relief allo­wance, hazard pay, subsistence allowance at laundry allowance.

Simula Marso, binibigyan na rin sila ng libreng transportasyon pati na matutuluyan para sa mga malayo ang tirahan.

Show comments