Manila Bay ‘white sand’, pinababakuran

Sa kasalukuyan, guwardiyado ang Manila Bay sand na sarado na sa publiko habang patuloy pa ang rehabilitasyon.
The STAR/Miguel de Guzman, file

Matapos dagsain at ‘di nasunod ang physical distancing

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon  si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko na ipagpaliban muna ang pagpunta sa  ‘Manila Bay White Sand’ kasabay ng paghimok sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bakuran muna ito upang hindi dagsain ng tao.

Sinabi ni Moreno bagama’t ikinatutuwa niya dahil  marami ang nasiyahan at nagalak sa nangyari sa Manila Bay na naging posible ang imposible subalit ipinaalala niya na may pandemya pa.

Anang alkalde, sapat na siguro na mapanood sa mga balita sa tele­bisyon, marinig sa radyo at makita ang ganda nito dahil marami namang naka-post sa social media at videos.

Hintayin na lamang aniya, ang tamang panahon para personal na maranasan ang pagtapak at masaksihan ang ganda nito ng artificial white sands sa Manila Bay.

Sinabi naman ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na ikinalulungkot niya ang pagkasibak sa hepe ng Manila Police District-Station 5 na si P/Lt. Colonel Ariel  Caramoan.

Sa panig aniya ng DENR, ang entry o sa loob lang ng Manila Bay Sand ang hurisdiksiyon nila na naipatupad naman ang health protocols tulad ng alcohol, face mask at face shields, at ang kapasidad naman para sa physical distancing ay nasunod sa ipinairal nilang 50 person per entry.

 Dahil sa lawak naman ng Manila Bay Sand ay ginawa nilang maximum 80 persons per entry  .

 Nagkaroon lang aniya, ng kawalan ng social distancing sa pila ng mga taong ayaw paawat.

 “Hindi namin inimbitahan ang mga tao para pumunta, ipinakita lang namin na binuksan na pero walang imbitasyon sa publiko,” ani Antiporda.

Sa kasalukuyan, guwardiyado ang Manila Bay sand na sarado na sa publiko habang patuloy pa ang rehabilitasyon.  

 

Show comments