Cemetery pass kailangan sa Navotas

MANILA, Philippines — Dahil na rin sa  nakaugaliang pagdalaw sa puntod, nagtakda ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng mga panuntunan sa mga dadalaw sa puntod   habang nakasara ang sementeryo sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, 2020.

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco,   mag-i-issue  sila ng cemetery pass sa mga dadalaw sa puntod  upang maiwasang dumagsa at magsiksikan ang mga bibisita  at hindi masunod ang 1-2 metrong physical distancing at malantad ang mga mamamayan sa COVID-19.

Sinabi ni Tiangco, dapat na gunitain ang Undas bago o pagkatapos ng nabanggit na mga petsa  at kumuha ng cemetery pass tatlong araw bago bumisita sa puntod sa pamamagitan ng TEXT JRT na nakalagay ang pangalan, address, edad,  petsa, at araw ng pagbisita sa kamposanto.

Hintayin ang reply ng TEXT JRT para sa cemetery pass. Ang pass ay magagamit lamang sa dalawang tao alinsunod sa schedule na nakalagay. Ipapakita ang cemetery pass at valid ID sa mga nakabantay sa sementeryo.

May tatlong time slot ang pagbisita, 7am hanggang 9am, 11am hanggang 2pm at 3pm hanggang 6pm.

Paalala ng lokal na pamahalaan na iwasang magdala ng pagkain o inuming nakalalasing, magsuot ng face mask at face shield, at siguraduhing may 1-2 metrong distansya mula sa mga kasama.

Hindi naman pinapayagang lumabas ang mga wala pang 21 taong gulang o mga senior citizen para pumunta sa sementeryo alinsunod sa polisiya ng IATF para sa kanilang kaligtasan.

Show comments