COVID-19 patient sa Quezon City, 14 na!

Ayon kay Belmonte, sa 14 na pasyente ay wala namang malubha ang kondisyon at unti-unti na ring nakakarekober ang katawan para labanan ang nasabing virus.
STAR/Michael Varcas/File

MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ni Que­zon City Mayor Joy Belmonte na umakyat na sa 14 na pasyente ang kumpirmadong kinapitan ng novel coronavirus 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Ayon kay Belmonte, sa 14 na pasyente ay wala namang malubha ang kondisyon at unti-unti na ring nakakarekober ang katawan para labanan ang nasabing virus.

Sinabi ng alkalde na mula nang magkaroon ng pasyante ang Quezon City ay wala namang nasasawi na siyang kanyang ipinagdarasal na nawa’y walang magbuwis ng buhay.

Aniya, sumusunod naman ang mga residente ng Quezon City sa ipinatutupad na community quarantine dahil nananatili ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan.

Tinukoy ng alkalde ang ilang lugar na may pasyenteng positibo sa COVID-19 na kinabibilangan ng mga barangay San Antonio, Paligsahan, Matandang Balara, Bagbag, Donya Imelda, Greater Lagro, Bagong Lipunan sa Crame, San at Barangay Isidro Labrador.

“Ang maganda lang po ay wala namang dalawang kaso sa iisang barangay, paisa-isa lang,” sabi ng alkalde.

Ang Quezon City ay una na ring nagdeklara ng state of calamity dahil sa pagdami ng mga positibo sa COVID-19.

Inihayag pa ng alkalde na ginagawa nila ang lahat para matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan sa Quezon City.

Show comments