130 ‘kuliglig’, kinumpiska sa Quezon City

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang clearing operations, na pinamumunuan ng Task Force for Transport and Traffic Management (TFTTM), sa mga lansangan ng lungsod ay sini­mulan noon pang Nobyembre ngunit ang mga nahuling driver ay binigyan lamang muna ng warning noon.
STAR/ File

QUEZON CITY, Philippines — Pinaigting pa ng Quezon City government ang kanilang kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan, na nagresulta sa pagkakumpiska ng may 130 kuliglig o improvised tractor-trikes, na bumibiyahe sa area ng EDSA-Balintawak.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang clearing operations, na pinamumunuan ng Task Force for Transport and Traffic Management (TFTTM), sa mga lansangan ng lungsod ay sini­mulan noon pang Nobyembre ngunit ang mga nahuling driver ay binigyan lamang muna ng warning noon.

“Hindi kami naghigpit nung nakaraan dahil magpa-Pasko. Pero ngayon, hindi na excuse na wala silang pagkakakitaan,” ani Belmonte. “Madami naman tayong inaalok na support programs para sa kanila.”

Sa pakikipag-dayalogo naman sa mga nahuling driver, inalok ng lady mayor ang mga ito ng tatlong uri ng ayuda para sa kanilang kabuhayan ngayong tuluyan nang ipagbabawal ang mga kuliglig sa mga lansangan.

Ani Belmonte, ang mga mahuhuling driver ay maaaring mag-avail ng “Balik Probinsya” program, kung saan ay maaari nilang mabawi ang kanilang mga sidecar at magamit na panghanapbuhay sa kani-kanilang lalawigan.

Maaari rin naman umanong isurender ng mga nahuling driver ang kanilang sidecar kapalit ng P5,000 cash aid at alternatibong livelihood assistance o ‘di kaya ay mag-aplay na lamang sa e-trike program ng lungsod.

“Alam namin na magkakaiba ang pangangailangan ng bawat pamilya kaya binigyan natin sila ng kalayaang pumili ng kung anong mas makakatulong sa kanila,” paliwanag ng alkalde.

Nabatid na may alok din namang livelihood assistance ang lokal na pamahalaan sa mga maybahay ng mga kuliglig driver at scholarships para sa kanilang mga anak.

 Sinabi ni Ben Ibon, pinuno ng Tricycle Regulatory Division (TRD), na ang mga “kuliglig” ay ipinagbabawal nang mag-operate sa national highways at pangunahing lansangan, gaya ng mga regular na tricycle at pedicab.

Show comments