6 na Pinay biktima ng human trafficking naharang sa airport

Batay sa report na ti­nanggap ni BI Commissio­ner Jaime Morente, sinabi ni BI travel control and enforcement unit overall supervisor Ma. Timotea Barizo na naharang ang mga Pinay sa departure area ng Iloilo International Airport kamakailan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Anim na Pinay na pina­niniwalaang biktima ng human trafficking ang naharang ng Bureau of Immi­gra­tion (BI) sa paliparan sa Iloilo.

Batay sa report na ti­nanggap ni  BI Commissio­ner Jaime Morente, sinabi ni BI travel control and enforcement unit (TCEU) overall supervisor Ma. Timotea Barizo na naharang ang mga Pinay sa departure area ng Iloilo International Airport (IIA) kamakailan.

Pasakay na umano ang mga biktima sa Cebu Pacific flight patungong Hongkong at saka tutulak sa Beirut, Lebanon kung saan ilegal silang na-recruit para magtrabaho bilang domestic helpers.

Isa aniyang concerned citizen ang tumawag sa IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking) 1343 actionline para ipaalam ang impormasyon ukol sa trafficking attempt.

Ayon naman kay BI-IIA head supervisor Ma. Lourdes Mariano, inamin ng anim na bibiyahe sana sila patungong Lebanon para magtrabaho nang walang balidong dokumento.Isa anilang “Alfred” ang nagproseso ng kanilang travel documents at work visas na iaabot sana sa kanila pagdating ng Beirut.

Kasabay nito, umapela si Morente sa publiko na i-report ang mga posibleng kaso ng human trafficking.

Show comments