Misis ng aktor na si Matt Evans, inaresto sa Makati

Ang aktor na si Matt Evans at ang misis nito.

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Makati City Police ang misis ng aktor na si Matt Evans dahil sa kinakaharap na kasong estafa habang nasa loob ng Makati City Hall, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang inaresto na si Riza Katrina Favis Evans, 32, negos­yante, ng Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, alas-5:30 ng hapon nang ihain ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Makati City Police ang warrant of arrest laban sa ginang habang nasa ika-14 na palapag  ng Makati City Hall Building sa may Brgy. Poblacion.

Nabatid na nahaharap si Evans sa kasong estafa na nakasampa sa Makati City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 66 ni Judge Clemente M. Clemente.

Sa rekord ng korte, noong Oktubre 2017 nabatid na nakatangay si Evans ng P2 milyon na investment buhat sa isang Arran Lester Galvan nang para sa produksyon ng pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral” nang magpakilala ang suspek na konektado sa TBA Studios na siyang nagpo-prodyus nito.

Agad din namang nakalaya si Evans nang magpiyansa ng P30,000 na itinakda ng korte habang dinidinig ang kaso.

Show comments