4 pulis-Maynila, timbog sa kotong

Kinilala ang mga nasakoteng parak na sina P/Corporals Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Mikko Gagarin at Patrolman Tom Hikilan.
Edd Gumban/File

Inarestong drug suspect hinihingan ng P.2 milyon

MANILA, Philippines – Arestado ng pinagsanib na pwersa ng PNP-Integrity Monito­ring Enforcement Group (IMEG) at NCRPO ang apat na pulis-Maynila dahil sa umano’y pangingikil ng P200,000 sa pamilya ng inarestong drug suspect.

Kinilala ang mga nasakoteng parak na sina P/Corporals Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Mikko Gagarin at Patrolman Tom Hikilan.

 Ayon kay PNP-MEG Director  P/Col. Oliver Ronald Lee, dakong alas-6:36 ng gabi nang isagawa ang entrapment sa loob ng Baseco Police Community Precinct.

Nakatalaga ang mga naaresto bilang beat patrollers ng Manila Police District (MPD) Station 5 na isinailalim sa surveillance operation matapos silang makatanggap ng reklamo laban sa mga ito.

Ayon sa PNP-IMEG, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang ginang.

Hinihingan umano ng mga pulis ang ginang ng halagang P500,000 kapalit sa paglaya ng mister nito na nakulong dahil sa kaso ng iligal na droga.

Nagkaroon ng tawaran hanggang bumaba sa P200,000 ang hinihinging pera ng mga pulis at saka isinagawa ang operasyon.

Sa ngayon ay nakakulong sa detention facility ng PNP-IMEG ang mga pulis na mahaharap sa mga kasong kriminal at adminis­tratibo.

Show comments