Shabu isiniksik sa adobong bulalo

Sa ulat, napansin ng isang jail guard na tila may plastic sa loob ng isa sa buto ng baka sa adobong bulalo na ipapasok ni Dayrit. Dito mas sinuri ng mga bantay ang ulam at nadiskubre ang limang pakete ng shabu dahilan para ipatupad ang pag-aresto sa kanya.
File

Tinangkang ipasok sa bilibid

MANILA, Philippines — Nasabat ng mga jailguard sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang isang lalaki makaraang magtangkang ipus­lit papasok sa bilangguan ang ulam na adobong bulalo na may nakasiksik na limang pakete ng shabu, kahapon ng umaga.
Isinasailalim ngayon sa masusing interogasyon ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang inarestong suspek na inisyal na kinilala sa pangalang Glenn Dayrit.

Sa ulat, napansin ng isang jail guard na tila may plastic sa loob ng isa sa buto ng baka sa adobong bulalo na ipapasok ni Dayrit. Dito mas sinuri ng mga bantay ang ulam at nadiskubre ang limang pakete ng shabu dahilan para ipatupad ang pag-aresto sa kanya.

Sinabi ni Dayrit na nakatakdang ihatid niya ang ulam sa presong si Ron Dela Cruz sa maximum security compound.  Wala umano siyang alam na may lamang shabu ang ulam na kanyang dala.

Nakumpiska rin ng mga jailguard ang ID na kaniyang dala na hinihinalang peke at isang sim card na isinasailalim ngayon sa pagsusuri para makumpirma kung sino ang kontak ni Dayrit.

Nabatid naman na apat na beses nang nakapag­hatid ng ulam sa Bilibid si Dayrit at inaalam din kung nakapagpuslit siya ng droga sa naturang mga pagkakataon. Inaalam din ngayon kung sino sa labas ang nag-utos sa suspek na magpuslit ng kontrabando.

Show comments