3 pulis-Las Piñas nahuling natutulog habang naka-duty

MANILA, Philippines — Huli sa aktong natutulog habang naka-duty ang tatlong pulis-Las Piñas mismo ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PMajGen Guillermo Eleazar 

Kinilala ang tatlo na sina P/Cpls Eugine Ybasco, Jayson Monsales at P/SSg Danny Cerbito, pawang mga nakatalaga sa Las Piñas City Police.

Sa pahayag na inilabas ng NCRPO Public Information Office, madaling araw ng Lunes nang ikutin ni Eleazar ang mga istasyon na nasasakupan ng Southern Police District (SPD).

Sa kanyang pagpunta sa isang Police Assistance Desk (PAD) sa kahabaan ng Alabang Zapote Road sa Brgy. Pamplona Dos, napansin niya ang isang nakaistambay na police mobile at nang kanyang silipin ay nakita sa loob ng behikulo ang natutulog na si Monsales.

Nang gisingin ni Eleazar, itinuro naman ni Monsales ang isang tricycle kung saan natutulog naman sa loob si Ybasco. Ikinatwiran ni Ybasco na 24 na oras na siyang naka-duty at tinamaan ng antok dahil sa sobrang pagod.

Sina Ybasco at Monsales ay kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 3 (Brgy. Zapote).

Sunod na tinungo ni Eleazar ang PCP2 na nasa Brgy. Zapote rin at naabutan naman sa front desk ang naka-duty na desk person na si Cerbito na natutulog sa harapan ng pinto ng istasyon.

Dito ginulat ni Eleazar ang pulis na napaigkas sa pagtayo. Nakatikim ng sermon ang pulis buhat sa heneral.

Dahil sa nasabing mga insidente, dinisarmahan ni Eleazar ang mga nasabing pulis at tiniyak nito na makakasuhan sila ng kasong administratibo at paiimbestigahan ang mga ito dahil sa kapabayaan o “Neglect of Duty.”

Show comments