Delivery boy ng Grab Food sinalpok ng jeep, todas

MANILA, Philippines — Todas ang isang delivery boy ng Grab Food matapos salpukin at magulungan pa ng pampasaherong jeep ang kanyang motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City kamakalawa ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Edgardo Derder Nueva, 26, residente ng Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.

Naisugod pa si Nueva sa FEU hospital subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo at  katawan.

Agad namang naaresto ang nakaaksidenteng si Lenino Tigcal Batislaon, 39–anyos, driver ng Isuzu Jipney na may plakang UVW – 758, at nakatira sa Phase 7, Pkg. 6 Blk 39 Lot 7, Bagong Silang, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon galing ng Regalado Ave.,  sa Fairview ang biktima sakay ng  Yamaha Mio Motorcycle patungo sa direksiyon ng Eliptical Ave. subalit pagsapit  sa  Philcoa ay bigla na lamang  sinalpok ang kanyang motorsiklo ng jeep na minamaneho ni Batislaon.

Ayon kay Talacay, posibleng nagmamadali rin ang biktima para tugunan ang mga umuorder na pagkain ng mga nagpapa-deliver sa Grab kaya hindi rin napansin ang humaharurot na pampasaherong jeep.

Nakapiit ngayon ang si Batislaon sa QC Traffic Sector 5 habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

Show comments