P7-milyon shabu huli sa tinedyer sa hotel

Si NCRPO chief P/Ma­jor Gen. Guillermo Eleazar habang kinukuwestiyon ang nada­kip na si Jaymark Mercene na nasamsaman ng P7 milyong halaga ng shabu.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Kahit na nagpabagu-bago ng lugar ng transaksyon, tuluyan pa ring nadakip ang isang tinedyer na ‘tulak’ kung saan nakumpiska dito ang higit sa P7 mil­yong halaga ng hinihinalang shabu sa isang hotel sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, P/Major General Guillermo Eleazar ang nadakip na si Jaymark Mercene, alyas Kapre, 18, binata at residente ng Pasay City.

 Sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw nang madakip si Mercene  sa isang room sa hotel  na nasa kanto ng Rizal Avenue at 2nd Street sa Gracepark, Caloocan City.

Nakumpiska sa suspek ang 10 plastic tie-knot bags na naglalaman ng tig-100 gramo ng shabu, isang plastic sachet na may lamang 50 gramo ng shabu para sa kabuuang 1,050 gramo ng shabu na may halagang P7,140,000 at isang P1,000 marked money na isinama sa boodle money na ginamit ng mga pulis sa transaksyon.

Nabatid na unang nakipagtransaksyon ang RDEU sa suspek para makabili ng isang kilo ng shabu. Isasagawa sana ang transaksyon sa tapat ng isang gasolinahan sa may Service Road ng Pasay City ngunit biglang binago ng suspek ang lugar at inilipat sa hotel sa Caloocan.

Hindi na nakapalag ang suspek nang pasukin ng mga pulis ang tinutuluyan niyang kuwarto matapos na tanggapin niya ang marked money buhat sa poseur buyer.

Ayon sa pulisya, si Mercene ay tauhan ni Edgardo Mongado Co Jr., alyas “JR Co”,  isang kilalang lider ng isang sindikatong kriminal na sangkot sa distribusyon ng iligal na droga. Sakop ng operasyon ng sindikato ang mga lungsod ng Pasay City, Makati City, parte ng lalawigan ng Rizal at Cavite. 

Show comments