MMDA nakiisa rin sa ‘Brigada Eskwela’

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, 400 tauhan ng Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ang dineploy ngayong araw sa 20 pampublikong paaralan sa Metro Manila para sa ‘Brigada Eskwela’ program.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo, nakikibahagi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa programa ng Department of Education (DepEd) na ‘Brigada Eskwela’.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, 400 tauhan ng Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ang dineploy ngayong araw sa 20 pampublikong paaralan sa Metro Manila para sa ‘Brigada Eskwela’ program.

“Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa aktibidad na ito. Handang handa na ang ating mga tauhan na umasiste sa mga pampublikong eskwelahan na humingi ng tulong sa atin para sa malinis at ligtas na lugar para sa mga estudyante,” ani Lim.

Ayon naman sa hepe ng MPCG na si Francis Martinez, nasa 15 tauhan ng MPCG ang naka-assign sa bawat paaralan.

Kabilang sa mga gagawin ng mga tauhan ng MPCG ang paglilinis ng paligid ng eskwelahan; pag-aayos ng mga upuan, mesa, pader, at iba pa; pagti-trim ng puno at paglalagay ng mga halaman, pag-aalis ng mga tuyong dahon sa mga drainage; at pagpipinta ng mga pedestrian lane markings depende sa hiling ng pamunuan ng eskwelahan, ani Martinez.

Magdo-donate din aniya ng dust pans na gawa sa ni-recycle na lata ng mantika sa ilang pampublikong paaralan.

Ang ‘Brigada Eskwela’ ay taunang maintenance program ng DepEd na nagtatagal ng isang linggo. Layunin nitong ipagsama-sama ang mga guro, magulang, at iba pang stakeholders para magsagawa ng clean-up sa mga pampublikong eskwelahan sa elementarya at sekondarya.

Show comments