Doktor natagpuang patay sa CR ng NAIA

Kinilala ang biktima na si Dr. Richard Alexander Parenas, 58-anyos, may asawa at dating nagtrabaho bilang Legal Officer III sa Viga District Hospital sa lalawi­gan ng Catanduanes.
facebook photo

MANILA, Philippines — Isang 58-anyos na doktor ang natagpuang wala nang buhay sa pagkakaupo nito sa inidoro sa comfort room sa domestic wing ng pre-departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Dr. Richard Alexander Parenas, 58-anyos, may asawa at dating nagtrabaho bilang Legal Officer III sa Viga District Hospital sa lalawi­gan ng Catanduanes.

Ayon sa ulat ng MIAA Media Affair Office, dakong­ alas-8:19 ng umaga nang respondehan ng MIAA Me­dical team ang emergency call hinggil sa nakitang tao sa loob nang CR No.32 na walang malay at hindi na humihinga.

Ayon sa janitor na si Joal Paul Mortel, nakita niyang pumasok sa natu­rang cubicle ng comfort room ang biktima dakong alas-6:15 ng umaga ngunit makalipas ang ilang oras ay hindi na nito nakuhang lumabas.

Dakong alas-8:07 ng umaga nang i-report sa security personnel ang natu­rang insidente kung saan nang respondehan ay dito na nakita ang biktima na wala nang buhay habang nakaupo sa inidoro.

Gayunman, idineklara ng MIAA Medical Team sa kanilang pagsusuri na ang biktima ay namatay sa cardio-respiratory arrest sa hindi pa malaman ang dahilan.

Nabatid na pasakay sana ng eroplano ng Cebu Pacific flight 5J-875 papuntang Davao ang biktima.

Show comments