‘Supplier’ ng bala timbog sa buy-bust

MANILA, Philippines — Swak sa kulungan ang dalawang lalaki na sinasa-bing ‘supplier’ ng mga bala sa mga kriminal makaraang malambat sa isang buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang mga dinakip na sina Raymond Mirabel, 30, binata at si Paulo Magalo, 18, kapwa nakatira sa Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, alas-4:00 ng hapon nang isang tauhan ng Northern Police District-Special Operations Unit ang nagpanggap na buyer ng bala at nakipagtransaksyon sa mga suspek sa naturang lugar.

Nagawang makabili ng buyer ng 10 bala para sa kalibre .40 baril kapalit ng halagang P300 marked money.  Nang magkabayaran, sumulpot na ang mga nakabantay na pulis at dinakip ang dalawa.

Bukod sa marked money, nakumpiska rin mula sa mga suspek ang walong maliit na plastic sachet na naglalaman ng shabu at dalawang plastic sachet ng marijuana kaya hinihinala rin na nagtutulak din ng iligal na droga ang dalawa.

Show comments