Tensyon naghari sa demolisyon sa QC

Bago simulan ang demolisyon ay nagkaroon ng palitan ng maanghang na salita ang mga residente at grupo ng demilition team at dahil sa tulong ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na naka-deploy sa lugar ay natuloy din ang demolisyon.

MANILA, Philippines — Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga residente at grupo ng demolition team makaraang ituloy kahapon ang pagdemolis sa 39 na bahay na tinutuluyan ng nasa 150 indibiduwal sa Pag-asa Compound, Brgy. Old Balara Quezon City.

Bago simulan ang demolisyon ay nagkaroon ng palitan ng maanghang na salita ang mga residente at grupo ng demilition team at dahil sa tulong ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na naka-deploy sa lugar ay natuloy din ang demolisyon.

Armado ng mga maso at bareta ang demolition team at isa-isang giniba ang 39 na kabahayan.

Ayon sa mga residente, wala man lamang abiso at wala ring relokasyon na ibinigay sa kanila kaya labag umano sa batas ang ginawang pagdemolis sa kani-kanilang mga tahanan.

Anila, kasalukuyan pang dinidinig sa korte ang isyu ng pagmamay-ari ng lupa kung kaya at hindi pa dapat magkaroon ng demolisyon.

Sinasabing ang kontrobersiyal na lote  sa Barangay Old Balara ay pag-aari umano ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ipinaupa lamang ito sa Pag-asa.

Kinukuha na ito ng MWSS para sa kanilang expansion project na tinututulan naman ng mga residente na sinasabing 25-taon ng umookopa  sa lugar.

Show comments